Ad

Alay Lakad 2010 Experience

Lakad Para Sa Diyos At Pamilya

Ngayong Sabado Santo, magsusulat ako tungkol sa aking mga karanasan tuwing Mahal Na Araw o Lenten Season sa inggles. Mahaba-habang panahon na din ang aking nasayang dahil sa pagkakalayo ko sa ating Panginoon at sa tingin ko ngayon ang tamang panahon para magbalik loob sa Kanya.

Kun babasahin nyo ang aking kwento dito, mapapansin nyong lumilipas lang ang Mahal na Araw sa akin at ito'y magmula nang ako'y pumasok bilang isang Call Center Agent. Dahil siguro sa mga araw na ito, doble ang nakukuha kong sahod kaya't todo bigay ako dito. 

Siguro tamad din ako at medyo may mga duda o meron akong pagaalinlangan sa aking pananampalataya sa simbahan at unti unti, nawawalay ang aking loob sa Panginoon. Siguro ngayon na ang oras na Siya naman ang aking gawan ng pagsasakripisyo.

Noong bata pa ako, ang Mahal na Araw ang pinaka ayokong panahon. Bakit? Kasi wala kang mapapanood sa TV, walang radyo, bawal maglaro sa labas, bawal masugatan, bawal mag-ingay, bawal ang baboy at kung ano ano pang bawal. Kun meron man palabas sa TV, puro tungkol kay Hesus at sa Ten Commandments.


Patay daw kasi ang Diyos sabi ng mga magulang ko. Takot na takot din ako dahil nga patay ang Diyos, iniisip ko na maglalabasan ang mga kampon ni Satanas para maghasik ng lagim.

Pag Huwebes Santo, pwede pa maglaro sa labas. Pag dating ng gabi, pupunta kami ng mga kapatid at mga kalaro ko at manonood ng senakulo. Maraming tao nun kasi walang palabas sa TV at di pa uso ang cable TV noon. Magsisimula ang senakulo sa paglikha ng daigdig at ang kwento ni Eba't Adan kun saan lilinlangin sila nun demonyo.


Kumpleto sa make up at costume ang demonyo at pag umarte na ito, tawanan ang mga tao dahil kilalang komedyante sa amin ang gumaganap bilang demonyo. Parang naging komedi tuloy ang palabas. Pero magiging seryoso ito habang lumalalim ang gabi. Di namin matatapos ang palabas dahil umaabot ito ng hanggang hatinggabi. Tatawagin na kami ng Nanay ko para umuwi at matulog.

Kinabukasan, Biyernes Santo, gigising kami ng maaga para kumain ng Champorado buong maghapon. Ito ang bersyon ng aking pamilya sa pag aayuno. Aabangan din namin ang "Senakulo Sa Kalye" kun saan magbabahay-bahay ang mga aktor sa senakulo at ipapalabas ang pinagdaanan ni Hesus na hirap sa mga hudyo.


Andun ang hampasin, tadyakan at paluin ang aktor ng mga kasama niya. Aakalain namin na totoo ang nagaganap na pagsasadula. Pagkatapos nun eh maliligo na kami dahil pag naligo ka daw ng hapon, maliligo ka na sa dugo. Bawal na din kami maglaro sa labas kasi daw baka masugatan kami at di na ito gagaling.

Naniwala naman kami sa mga nakakatanda. Wala kaming magawa kundi maglaro na lang ng mga tau-tauhan at kotse-kotsehan sa loob ng bahay. Pagdating naman ng hapon ay magsisimba kami at sasama sa prusisyon. Me magbibigay ng mga kandila at sisindihan ito ng bawat isa at susunod sa pila kasama ang makukulay na mga imahe ng mga santo at ni Hesus.

Sabado de Glorya. Wala pa din palabas sa TV at wala pa ring musika sa mga radyo. Batong bato na kami sa bahay. Di pa din kami makapaglaro sa labas.

Linggo ng Pagkabuhay. Back to normal ang lahat. Magsisimba muna sa umaga. At normal na ang lahat sa buhay naming mga bata. Masayang masaya kami noon at makakapaglaro na naman kami.

Wala kaming iniisip na mabibigat na kasalanan noon kasi nga mga bata pa kami. Madasalin at pala simba pa ako bukod sa pag-aaral sa isang katolikong paaralan. At sa paglipas ng panahon, napatunayan ko na di pala totoo ang mga panakot sa amin ng mga matatanda. Unti unti din akong naiimpluwensiyahan ng mga tao at mga bagay na nakakapagpalayo sa akin sa Panginoon.

Nang ako'y tumanda, sumali ako sa pag aalay-lakad papuntang Antipolo. Ito siguro ang aking penitensiya para sa sarili. Ito na din siguro ang pagbabayad ko sa aking mga kasalanan. Naglalakad kami mula sa bahay papuntang Antipolo. Marami din ang gumagawa nito at masaya ang paglalakad pag kasama ang mga kaibigan.


Nagdadasal sandali sa mga istasyon at nagsisimba sa simbahan ng Antipolo. Taon taon ko itong ginagawa mula noong 1997. Natigil lamang ito nang ako'y napasok sa isang Call Center, anim o pitong taon na ang nakakalipas.

Nung Huwebes Santo ng gabi, naglakad akong muli. Me bakanteng oras naman ako at pwede pa akong matulog bago pumasok sa opisina ng ika apat ng umaga. Umalis ako ng maaga, mga alas sais ng hapon... at sinimulan ang paglalakad mag isa. Ayokong sumabay sa maraming tao at gusto kong makabalik agad.


Marami na din akong kasabay maglakad nung mga oras na yun. Naaliw naman ako sa mga nakikita kong naghahanda ng mga paninda at mga istasyon ng mga gustong tumulong sa mga maglalakad.

Makalipas ang dalawang oras, nasa Tikling na ako. Simula na ang paakyat na paglalakad sa bundok. Nagpahinga ako sandali at nagsindi ng yosi. Habang humihithit, napansin ko na dumadami na ang mga tao. Napa-isip ako kun saan kaya galing ang ganito karaming tao. Lahat ba sila ay nakatira sa Metro Manila? Wala lang.


Pagtapon ko ng upos, ay nagsimula na uli ako maglakad. Medyo mahirap ang lakad ngayon dahil paakyat ang daan. Me mga istasyon akong hinihintuan para magdasal hanggang sa makarating ako ng simbahan ng Antipolo. Walang misa noon, pero maraming tao sa loob. Nagdadasal ang lahat at yung mga nasa labas ay nagkwekwentuhan.

Di ko alam kun hinihintay nila ang misa o nagpapahinga lang sila. Ang iba naman pumupunta sa White Cross. Ako, kumain ng lugaw pagtapos magdasal sa simbahan. Nagpasya akong bumaba na kahit masakit pa ang mga paa ko at di pa masyado nakakapagpahinga. Mga 8:30PM na nun.

Nagsimula akong bumaba. Mas mahirap ang lakad kasi sumasalubong ako sa mga taong paakyat pa lang. Talo ako kasi mas marami sila. Nang me dumaan na taxi galing sa taas, sumakay na ako dahil sa pagod. Akala ko madali na ako makakauwi. Hindi pala. malapit na kami sa Tikling nang di na umandar ang mga sasakyan. Sa dami ng mga tao na umaakyat pa lang ay di na makausad ang mga sasakyan.


Umabot sa 100 piso ang aking metro mula sa 50 piso nang nakahinto lamang. Nagpasya akong bumaba na at maglakad uli. Marami pa din ang mga tao na sumasalubong sakin. Pagod, sakit ng paa at antok ang kalaban ko habang naglalakad. Nakailang beses din ako nagpahinga.

Nung me nakita akong nagbebenta ng tsinelas, ay bumili na ako dahil di ko na kaya ang sakit ng paa ko. Naglakad uli ako. Ilang kilometro pa ay me dumaang FX at nakasakay na ako pauwi. Dunating ako sa bahay ng mga 12mn na nun. Di naman ako makatulog agad dahil na din siguro sa pagod.

Nakapasok pa din ako sa aking trabaho. Puyat nga lang. Pero napagyaman ko naman ang aking kaluluwa dahil napalapit ko ang sarili ko sa Panginoon.

Gusto ko lang ibahagi ito dahil masarap pala maglakad ng nag-iisa. Bukod sa wala kang iintindihin na kasama, nakakapag isip ka at nakakapagdasal ka ng maayos. Uulitin ko ito sa mga susunod na taon pero mas maaga na.

Salamat!

Binibigyan ng kredit ang mga may ari ng mga larawan na makikita sa itaas.
Alay Lakad 2010 Experience Alay Lakad 2010 Experience Reviewed by Stone-Cold Angel on 4:00 PM Rating: 5
Powered by Blogger.