Hiling

Sa tindi ng init na nararanasan natin ngayon, nahihirapan akong umisip ng maisusulat ko dito. Para bang nagkaron ng El Niño ang utak ko at natuyot ito. Syempre kailangan kong gumawa ng sulatin ngayon, tumunganga ako sa harapan ng monitor ko. Napatingin ako sa kalendaryo at nakita kong eksaktong isang buwan na lang at madadagdagan na naman ng isang taon ang buhay ko. At sa pagbalik tanaw ko sa aking buhay, napatanong ako sa sarili ko... Ano na ba ang nagawa ko sa buhay ko? Anu-ano na ba ang mga nagawa kong mabuti sa kapwa at sa bayan ko? At ano ano pa ba ang mga plano ko sa hinaharap? Ilan lang ang mga tanong na yan ang pumasok sa isipan ko. Siguro ikukwento ko na lang sa ibang panahon ang mga nakaraan ko. Ngayon, ililista ko ang mga dapat kong gawin, gusto kong gawin at mga hiling sa mga susunod pang mga taon.

Unahin na natin ang mga DAPAT kong gawin:
- Itigil na ang paninigarilyo
- Magkaroon ng pamilya
- Makabayad sa lahat ng pagkakautang, pinansyal man o hindi
- Mag ehersisyo araw-araw, siguro sa paraang paglangoy o pag buhat (gym)
- Mag alay ng panahon para sa Panginoon, pamilya at sarili
- Maging maligaya

Ang mga GUSTO kong gawin:
- Pumunta sa iba't ibang lugar sa Pilipinas
- Kumuha ng mga magagandang larawan gamit ang kamera ko
- Magsulat ng mas makabuluhang mga sulatin
- Makapagtrabaho sa bahay
- Makapagdrive ng sariling kotse
- Makilala ng personal ang mga bagong kaibigan mula sa mga sumusunod ng aking blog

Ito naman ang aking mga HILING sa aking kaarawan:
- Makahingi ng Picture Greeting mula sa mga sumusunod ng aking blog
- Makahingi din (sana) ng mga Picture Greeting mula kina Cristine Reyes, Angel Locsin, Jocelyn Oxlade at Sam Pinto (sana lang...)
- Magkaron ng sapat na pera para mailibre ko naman ang asawa't pamilya ko at kung papalarin mapainom ang mga kaibigan ko
- Magkaron ng Nikon D90, Iphone at Netbook. Di masama mangarap... hahaha!

Sa mga magbibigay ng kanilang Picture Greeting, pwede nyong ipadala ito sa 9mmonline at gmail dot com (paki translate na lang para sa proteksyon ng aking email sa spam). Ang mapipiling pinakamagandang Picture Greeting ay mabibigyan ng sorpresa mula sa inyong lingkod. Sikreto muna iyon.

Maraming salamat po!

Binibigyan ng kredits ang may-ari ng larawan sa itaas.