Ad

Laro

Batang Pinoy

Natatandaan ko pa nung magsimula akong magkamalay sa mundong ito, wala akong ginawa kun di maglaro. Magsisimula ang araw ko ng maaga. Mga alas sais ng umaga ako gumigising at mag aalmusal para makapaglaro na sa labas kasama ang mga kalaro ko.

Sa maghapon na paglalaro, di namin alintana ang init ng araw basta ang importante lang ay masiyahan kami. Sa sulating ito, ibabahagi ko sa inyo ang mga laro na nilaro ko noong bata pa ako.

Sa unang mga taon ng aking buhay, mahilig ako makipaglaro ng mga larong Pinoy. At dahil sa bata pa ako noon, lagi akong nagiging taya sa mga ganitong mga laro. Alam ko nagdaan tayo sa pagiging taya, Balagoong pa nga o "atchoy" paminsan. Pero kahit na ganun tayo noon, masarap pa din maglaro.

Tumbang Preso, Taguan, Mataga-Taya, Taguan-Lata, Patintero at iba pa. Ito ang mga laro na pwedeng walang props o kaya nakukuha lang ang props sa tabi tabi. Sa Tumbang Preso, maguumpisa kami sa pag tukoy kun sino ang taya. Ito'y sa pamamagitan ng pag baligtad ng latang gagamitin namin sa paglalaro. Kailangan tayo para ligtas ka.


Tapos pag may taya na, kailangan ng talent na asintado para tamaan ang lata. Kailangan makapal din ang tsinelas para madaling tumumba ang lata. Yun "Rambbo" na tsinelas ang patok sa amin noon.

Sa Taguan at Taguang-Lata, kailangan maabilidad ang mga kasali. Kailangan magaling magtago at alerto para di maging taya. Pag ayawan na, tinataguan na namin ang taya at uuwi na kami sa bahay.

Sa Patintero at Mataga-taya, kailangan ang pisikal na abilidad para di mataya. Ang pag ilag, bilis at timing ang nadedevelop dito. Nung di pa sementado ang kalye, gumagamit kami ng tubig sa kanal para iguhit ang linya sa patintero. Isang mahabang balakid ang kailangan tawirin at bumalik para maka iskor ang grupo.

Piko. Uukit kami ng pamato mula sa mga pasong basag at ito ang gagamitin naming pamato. Di ko makakalimutan tong larong ito dahil dito ako nagkabangas sa mukha. Di naman ako titira pero umepal ako. Sabi ko "kaya mo yan!"


Sinubukan ko talunin ang simula hanggang huling step sa piko dahil lahat ay may bahay na. At dahil pasikat ako, ipinakita ko ang galing ko. Ayun, subsob ang mukha ko sa pader. Sugat-sugat ang mukha ko. Kurot at hampas ang inabot ko sa Nanay ko pagtapos lunasan ang mga sugat ko.

Tex, Holen, Tantsing, Sipa at iba pa. Ito ang mga larong kailangan ng props o kagamitan na kailangan bilhin. Bibili kami sa suking tindahan ng mga ito pag uso. Sa Tex, ito ay yun mga maliliit na komiks ng mga palabas na pelikulang Pilipino. Kailangan may pamato ka tapos pipitikin at paiikutin ng may technique para lumabas ang pamato mo at humamig ng taya.


Me technique na kailagan mong pitikin ng pataas, pahaba at semi lang. Parang sugal ito pero pambata. Madaya ka pag ang pamato mo ay may biyak sa gilid, binabaliktad pag pinipitik at iniipit. May mga sumisipsip na ang tawag namin ay "SB" o "SS". Sila ang tagahamig ng taya, tagapagtanggol ng nanalo, at tagasigaw ng "tsub, amin". Di na ako naglaro nito nang mauso ang malalaking tex cards gaya ng X-men at Marvel na free sa mga cheese curls.

Sa Holen, kailangan me pamato ka din na gagamitin. Dito ko natutunan ang mga katagang "Pwera Hawan", "Tamaan... Pers Bek" at iba pa. Bubutas kami ng maliit na butas sa lupa gamit ang tansan. Me sukat itong apat o limang paa mula sa simula at ayos na. Pag huli kang makabalik, atsoy ka at titirahin ang holen mo sa pinakamalakas na paraan. Barag-barag ang mga holen ko pag naatsoy ako.

Sa Sipa, kailangan magaling kang akrobat. Ang ginagamit namin ay tingga na may plastik na palawit. Kailangan patamain sa talampakan ito at paramihan ng pagsalo nito hanggang sa sumayad sa lupa. Pag taya ako, kailagan kong i-serve ng maayos. Minsan nagsasapatos pa ako para di tumama sa aking bukong-bukong.


Minsan me exhibition pa na "Black Magic" para may thrill ang laro. Matagal kong pinag aralan ang larong ito bago ako nag level up.

Bahay-Bahayan, Baril-Barilan at iba pa. Ang mga larong ito ay sa wikang inggles ay "role-playing". Dito ko natutunan ang pagiging bida at kontrabida. Minsan ay may mga kalaro akong ayaw maging kontrabida kaya kailangan magparaya, matuloy lang ang laro.


Dito ko din nalasap ang una kong halik. Dahil ako ang naging Tatay sa larong Bahay-bahayan, ang kalaro kong babae ay bigla na lang akong hinalikan dahil siya daw ang Nanay. Nabigla ako pero masarap pala.

Ito na lang muna ang mga larong naisip at naalala ko sa ngayon. Kung pwede lang maibalik ang mga panahon ng kabataan... walang problema, walang stress at walang aatupagin kundi maglaro. Kun pwede lang talaga, ipagpapalit ko ang lahat, makabalik lang sa pagkabata. Masarap sariwain ang mga panahong yaon.


Gusto ko sana sa magiging anak ko, kailangan matuto sila ng mga larong pisikal. Para di sila matulad sa iba na ang laro ay galing na lamang sa mga bagong teknolohiya. Sa tingin ko, maganda ang mga larong pisikal sa kanila dahil dito madedevelop ang kanilang katauhan sa hinaharap.

Binibigyan ng kredits ang mga larawan sa itaas.
Laro Laro Reviewed by Stone-Cold Angel on 9:10 PM Rating: 5
Powered by Blogger.